Thursday, July 02, 2015

CHOPPER DEAL WHISTLEBLOWER MULING HAHARAP SA BLUE RIBBON AT MAGHAHAYAG NG BAGONG DETALYE SA IMBESTIGASYON

CHOPPER DEAL WHISTLEBLOWER MULING HAHARAP SA BLUE RIBBON AT MAGHAHAYAG NG BAGONG DETALYE SA IMBESTIGASYON

Nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Sanator Teofisto “TG” Guingona III hinggil sa pagbili ng Department of National Defense (DND) ng segunda manong UH-1 helicopters. Ang pagdinig ay gagawin sa Hulyo 7 kung saan muling magbibigay ng kaniyang testimonya ang whistleblower na si Rhodora Alvarez hinggil sa 1.25 bilyong pisong kontrata.

Nauna nang dininig noong Hunyo 9, sa Blue Ribbon ang testimonya ni Alvarez na isang kawani ng pamahalaan at dating konektado sa US-based Rice Aircraft Services. Sa nasabing pagdinig, inakusahan ni Alvarez ang mga opisyal ng DND at ang Philippine Air Force (PAF) ng pagsasabwatan. Sinabi ni Alvarez na binali ng DND at PAF ang rules on procurement para paboran ang Rice Aircraft Services.

Nangako rin si Alvarez na magbabahagi pa siya ng mga impormasyon para patunayan ang kaniyang mga ibinunyag.

Sa kanyang nilagdaang salaysay, sinabi ni Alvarez na naipagkaloob sa Rice Aircraft Services, na kasosyo ng Eagle Copters Ltd., ang kontrata sa kabila ng pagkadiskwalipika nito sa mga naunang bidding.

Naipagkaloob sa Rice Aircraft Services ang 1.25 bilyong pisong kontrata noong Disyembre 2013 para ideliber ang 21 refurbished combat Huey UH-1 choppers sa loob ng 180 araw. Ngunit makalipas ang dalawang taon, sinasabing hanggang sa ngayon ay nasa proseso pa rin ng pagkumpuni ang Rice Aircraft Services sa bulto ng Huey helicopter na dapat sana ay naideliber na sa deliveries hangars ng PAF sa Clark Air Base.

Ang pagdinig ay magbibigay ng pagkakataon para madinig ang panig ng mga opisyal ng DND at PAF na isinasangkot sa alegasyon, lalo na ang akusasyon ng pagkabigo ng Rice Aircraft Services na tuparin ang isinasaad sa kontrata. /MP


No comments:

Post a Comment