Wednesday, September 09, 2015

CHIZ: MGA TOUR GUIDE DAPAT MARUNONG SA FIRST-AID

Nanawagan si Senator Chiz Escudero sa mga lokal na tanggapan ng turismo gayundin sa mga tour guide at operator na magsanay sa pagtugon sa mga emergency matapos ang napaulat na pagkamatay ng isang turista kamakailan sa Coron, Palawan.

Ang panawagan ay ginawa ni Escudero dahil sa mga napaulat umanong kakulangan sa pagresponde sa insidenteng kinasangkutan ng turistang si Miguel Ruiz nang ito ay makaapak ng isang nakalalasong uri ng marine specie  habang ito ay nag-iisnorkeling sa naturang sikat na pasyalan sa Palawan.

Sabi ni Escudero, dapat handa ang mga lokal na tanggapan ng turismo gayundin ang mga tour operator at guide na tumugon sa mga ganitong pagkakataon.

“Ayon sa mga ulat, walang nangyaring maayos na pagtugong medikal sa biktima. Ito ay nakakabahala dahil ipinakita ng insidente ang kakulangan sa kaalaman ng ating mga tour operator at mga lokal na tanggapan ng turismo sa pagtugon sa mga ganitong sitwasyon,” sabi ni Escudero.

Nauna nang umapila ang lokal na pamahalaan ng Coron na hintayin ang resulta ng autopsy report upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima.

“Ang napaulat na mabagal na pagtugon ng mga tour guide ay isang patunay na kakulangan sa first-aid training ng mga taong dapat ay sumisiguro sa iyong kaligtasan habang ikaw ay nagbabakasyon,” sabi ng senador.

“Paano pa natin aasahan ang ating mga lokal na otoridad na tumugon sa isang malaking sakuna o emergency situation?” tanong ng senador.

Hinimok ng senador ang mga lokal na pamahalaan lalo na ang mga sikat na pasyalan gaya ng Palawan na turuan ang mga tour operator at tour guide ng basic life support training upang sila ay handa sa pagtugon sa mga emergency situation.

Nito lamang nakaraang taon, pitong estudyante ng Bulacan State University na nasa isang field trip ang nalunod habang tinatawid ang Madlum River sa San Miguel, Bulacan.

 Ani Escudero, ang mga ganitong insidente ay nakakasama sa kampanya ng gobyerno na manghimok ng mga turista na bumisita sa bansa.


 Ayon sa Department of Tourism, may 2.6 milyong turista ang dumating sa bansa sa unang anim na buwan ng 2015. Umabot sa P982.4 bilyon ang kinita ng gobyerno sa turismo noong nakaraang taon./MP

No comments:

Post a Comment