Tuesday, February 03, 2015

Ang Kahalagahan Ng Kasaysayan

Ang Kahalagahan Ng Kasaysayan
by Johann C. Cawaling

Ang kasaysayan ay isang disiplinang agham-panlipunan na itinuturo sa lahat ng antas ng pag-aaral. Ayon sa mga mananalaysay, ang kasaysayan ay isang pagtatala o ulat ng mga nakaraang pangyayari o kaganapan na maayos na pagkakasunodsunod na paglalarawan at pagbibigay kahulugan sa mga pangyayaring nagdaan.

Ito ay nagbibigay ng malawakang pang-unawa ng kaisipan sa mga kabataan upang mamulat sila sa lumipas na katotohanan na nag-uugnay sa makabagong kabihasnan.

Ang pag-aaral ng kasaysayan ng ating bansa ay naglalayon ito upang mapa-usbong ang puso ng mga mag-aaral tungo sa masusing pagsusuri upang matugunan ang kasagutan sa mga yugto ng pangyayari. Hinihikayat nito ang mag-aaral na bigyang pansin ang pag-aaral ng kasaysayan lalo na kung saan tayo nagmula, at kung anong lahi ang ating pinagmulan. Liban sa pagkaki-lanlan bilang Pilipino. Makikita rin sa ating kasaysayan ang mayamang kultura natin, at lahi na ating ipagmalaki.

Sa mga katibayang nakuha at naitala, inilalahad dito kung paano namuhay ang sinaunang Pilipino, ang kanilang kabihasnan, mga kaugalian at paniniwala; batas na kanilang pinairal at sinunod, ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan at karatig-pook at pakikibaka sa kanilang buhay. Inilalarawan din sa ating kasaysayan ang mapagmahal sa kalikasan ng ating mga ninuno. Sa paglipas ng panahon, unti-unting nagkakaroon ng pagbabago dahil sa epekto ng modernisasyon. Mga makabagong tuklas ng pagbabago ang tumutubo kaya ang ating kasaysayan ay unti-unti ring nakalimutan.

Dapat itong pagtuunan ng matinding pansin nang sa gayon ang kasaysayan ay hindi mabura sa makabagong henerasyon. Kailangan ipadama ang bawat hibla ng kaalaman upang makatulong ito at upang mapabago ang damdamin ng mga mag-aaral sa pag-aaral ng kasaysayan. Ang ating kagawaran ay naglunsad ng mga gawain tulad ng patim-palak sa mga mag-aaral tungkol sa kasaysayan. 

Hinihikayat din nito na ang mga guro ay magkaroon ng ma-unlad na kaalaman at kasanayan sa pagtuturo ng kasaysayan sa pamamagitan ng mga kasanayan sa pagpupulong at “seminar-workshop” at pagsasanay sa mga guro ng iba’t ibang pamamaraan at estratihiya na magbubukas sa panibagong antas ng kaalaman. /MP


No comments: