Asiannovela Na The Master’s
Sun, Ipapalabas Sa GMA Telebabad
Simula sa lunes, ika 19 ng Mayo, ipapalabas na ng Kapuso Network ang kauna-unahang romantic/comedy/horror Korea-novela na The Master’s Sun sa Kasaysayan ng Philippine television sa GMA Telebabad.
Pagkatapos ng kilig at dramang hated ng hit Koreanovela na A 100-Year Legacy, nakatakda naming magdala ng isang kakaibang kombinasyon ng tawa, pagmamahal, at nginig sa bawat pamilyang Pilipino ang The Master’s Sun sa pamamagitan ng kaabang-abang na kuwento at mga ma-titinding eksena nito.
Tiyak na magiging kapana-panabik ang gabi-gabing panonood ng mga Pilipino dahil itinatampok sa Koreanovela na ito ang isang kakaibang kuwento ng pag-ibig na hindi pa nila nasasaksihan. Dito rin maririnig sa kauna-unahang pagkakataon ang bagong awitin ng Kapuso singer/actress na si Julie Anne Jose na “Right Where You Belong.”
Iikot ang kuwento ng The Master’s Sun sa buhay ni Sunny (Gong Hyo Jin), isang dalagang dati ay masayahin at may positibong pananaw sa buhay hanggang sa masangkot ito sa isang aksidenteng magbibigay sa kanya ng isang supernatural na kakayahang makakita ng mga multo. Mula noon ay namumuhay na siya ng may takot at lungkot. Ngunit magbabago muli ang buhay niya nang makilala niya ang guwapong president ng isang shopping mall na si Johann (So Ji Sub).
Dahil sa pagdating ni Johann sa buhay niya, matutuklasan ni Sunny na maaari palang maglaho ang mga multong nakikita niya kapag lagi niyang kasama ito. Bilang isang praktikal at seryosong lalaki, hindi pinaniniwalaan ni Johann ang mga kuwento ni Sunny tungkol sa pagkakaroon ng mga multo. Ngunit dahil sa palagi silang magkasama, unti-unting magbabago ang pananaw nito at mahuhulog ang loob nila sa isa’t isa.
Panoorin at subaybayan ang phenomenal romantic/comedy/horror Koreanovela na The Master’s Sun na magpapatawa, magpapakilig, at magpapanginig sa bawat gabi ng mga manonood simula ngayong lunes pagkatapos ng Rhodora X sa GMA Telebabad. /MP
No comments:
Post a Comment