Thursday, June 25, 2015

MESSAGE: ARAW NG KALAYAAN

MESSAGE: ARAW NG KALAYAAN

by Sen. Ferdinand “Bongnong” Marcos Jr.

ISANG maalab na pagbati sa lahat ng aking kapwa Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Isang daan at labing pitong taon na ang nakararaan nang ipahayag ang Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo at ilang hukbong rebolusyunaryo bilang pag-usbong ng soberenya ng Pilipinas at paghulagpos sa kamay ng mapanakop na dayuhan.

Higit na naging makasaysayan ang araw na ito dahil iwinawagayway sa unang pagkakataon ang watawat ng Pilipinas kasabay ng pag-awit ng “Marcha Filipina Magdalo” na kinikilala natin ngayon bilang pambasang awit na “Lupang Hinirang.”

Ang kalayaang dinilig ng dugo at pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani ay ang pinakadakilang pamana ng ating magigiting na ninuno.

Sa kasalukuyang panahon, huwag nating ipahintulot na ang Araw ng Kalayaan ay maging isa na lamang selebrasyon ng isang yugto ng ating kasaysayan.

Kasabay ng ating pagdiriwang, isabuhay natin ang tapang at paninindigan ng mga Pilipinong naghimagsik at nabuwal sa ngalan ng kalayaan at kalasin natin ang gapos ng kahirapan, karahasan, kamangmangan, at pagkakawatak-watak.

Gamitin natin ang watawat bilang simbulong magbibigkis sa ating lahat upang sama-samang lunasan ang sakit ng ating lipunan at patibayin ang ating demokrasya.

Higit sa lahat, kilalanin natin ang Hunyo 12 bilang araw ng pagpapasya na hindi na tayo papaalipin pang muli sa dayuhan man o kapwa Pilipinong mapagsamantala.

Mabuhay ang kalayaan!

Mabuhay ang lahing Pilipino! /MP

No comments: