Tuesday, August 11, 2015

Nakakatawang Nakakainis

Nakakatawang Nakakainis

Ganito inilarawan ni Sen. Chiz Escudero ang ginawang pagkwestyon sa citizenship at residency ni Sen. Grace Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET).

“Nakakatawa kasi hindi handa sa mga kailangan para mag-file. Nakakainis dahil bakit ngayon lang e magtatatlong taon na bilang senador si Grace. Nag-number one siya noong nakaraang eleksyon at kung may ganyan pala e dapat noon pa isinampa,” ani Escudero.

Naniniwala ang batikang mambabatas na ang petisyong inihain ni Rizalito David ay may kinalaman sa maaaring maging desisyon ni Poe hinggil sa halalan sa 2016.

“Ipinapakita na ito ay bugso lamang ng pagtimbang niya sa pagtakbo kaugnay ng 2016,” giit ni Escudero.

Kumbinsido rin si Escudero na may pwersang nasa likod ng paghain ng kaso sa SET, ngunit hindi na ito interesadong malaman pa kung sinu-sino ang mga ito dahil batid ng publiko na gawa-gawa lamang ang mga isyung ipinupukol kay Poe.

“Hindi ako naniniwalang walang nasa likod nito. Hindi ako naniniwalang hindi ang layunin nito ay takutin, i-pressure, i-harass si Sen. Poe,” paliwanag ng senador.

“Subalit kung sinuman ang nasa likod nito, hayaan na lang natin na taumbayan ang mag-isip at magdebate. Ayoko na hong sayangin ang oras para alamin pa at imbestigahan kung sino ang nasa likod nito.”

Ayon kay Escudero, walang matibay na batayan ang inihaing petisyon laban kay Poe. Sinabi nitong walang karapatang maghain ng petisyon si David dahil hindi naman ito ang makikinabang sakaling paboran ng SET ang hinihiling nito.

Wala rin umanong hurisdiksyon ang SET sa kaso dahil ayon sa batas may 15 araw lamang matapos maproklama ang isang kandidato para kwestyunin ang kanyang pagkakakaluklok.

Nanindigan din si Escudero na si Poe ay isang “natural-born Filipino citizen” at may sapat na pananatili sa bansa upang tumakbong senador noong 2013. /MP 

No comments: