CHIZ: MGA TOUR GUIDE DAPAT MARUNONG SA
FIRST-AID
Nanawagan si Senator Chiz
Escudero sa mga lokal na tanggapan ng turismo gayundin sa mga tour guide at
operator na magsanay sa pagtugon sa mga emergency matapos ang napaulat na pagkamatay
ng isang turista kamakailan sa Coron, Palawan.
Ang panawagan ay ginawa ni
Escudero dahil sa mga napaulat umanong kakulangan sa pagresponde sa insidenteng
kinasangkutan ng turistang si Miguel Ruiz nang ito ay makaapak ng isang
nakalalasong uri ng marine specie habang
ito ay nag-iisnorkeling sa naturang sikat na pasyalan sa Palawan.
Sabi ni Escudero, dapat handa ang
mga lokal na tanggapan ng turismo gayundin ang mga tour operator at guide na
tumugon sa mga ganitong pagkakataon.
“Ayon sa mga ulat, walang
nangyaring maayos na pagtugong medikal sa biktima. Ito ay nakakabahala dahil
ipinakita ng insidente ang kakulangan sa kaalaman ng ating mga tour operator at
mga lokal na tanggapan ng turismo sa pagtugon sa mga ganitong sitwasyon,” sabi
ni Escudero.
Nauna nang umapila ang lokal na
pamahalaan ng Coron na hintayin ang resulta ng autopsy report upang malaman ang
tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima.
“Ang napaulat na mabagal na
pagtugon ng mga tour guide ay isang patunay na kakulangan sa first-aid training
ng mga taong dapat ay sumisiguro sa iyong kaligtasan habang ikaw ay
nagbabakasyon,” sabi ng senador.
“Paano pa natin aasahan ang ating
mga lokal na otoridad na tumugon sa isang malaking sakuna o emergency
situation?” tanong ng senador.
Hinimok ng senador ang mga lokal
na pamahalaan lalo na ang mga sikat na pasyalan gaya ng Palawan na turuan ang
mga tour operator at tour guide ng basic life support training upang sila ay
handa sa pagtugon sa mga emergency situation.
Nito lamang nakaraang taon,
pitong estudyante ng Bulacan State University na nasa isang field trip ang
nalunod habang tinatawid ang Madlum River sa San Miguel, Bulacan.
Ani Escudero, ang mga ganitong insidente ay
nakakasama sa kampanya ng gobyerno na manghimok ng mga turista na bumisita sa bansa.
Ayon sa Department of Tourism, may 2.6 milyong
turista ang dumating sa bansa sa unang anim na buwan ng 2015. Umabot sa P982.4
bilyon ang kinita ng gobyerno sa turismo noong nakaraang taon./MP
No comments:
Post a Comment