Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan;
At sa akin pong mga boss, magandang hapon po.
Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo: Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan. Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may abusado’t mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito.
Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo: “Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi na natin sa mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasang-kapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at ang mga stasyon, mula lima naging dalawa. Ang masaklap po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi ang panga-ngailangan sa armas ng 45 percent ng kapulisan, para lang kumita mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punan: Ang 66,800 na backlog sa classroom, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nag kakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na humarap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng di bababa sa dalawang taon bago magkaroon ng maka-buluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito.
Ang kalsadang pinon-dohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na ito.
Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring umalalay ang rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis, ambulansya, o bumbero— hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino.
Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open for business under new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba, tsamba. Ngayong walo na, tsamba pa rin kaya? Sa Philippine Stock Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000, may mga nagduda. Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa pagbilang: nakaka-apatnapu’t apat na pala tayo, at bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. Nitong first quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region; pangalawa po ito sa Asya, sunod sa China. Kung dati tayo ang laging nangu-ngutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang. Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila ang dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, ang sabi ay, “Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isang bangko sa Inglatera, nakikiusap maisali sa pila.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga komentarista. Ayon sa Bloomberg Business Week, “Keep an eye on the Philippines.” Ang Foreign Policy Magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100, nagsabing maaari daw tayong maging “Asia’s Next Tiger.” Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global Macro ng Morgan Stanley, “The Philippines is no longer a joke.” At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa ating bansa. Sana nga po, ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na tagapagbalita.
Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas nakararami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Tinarget natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8 million; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang regular nang nagpapacheck-up. 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea, polio, tigdas at iba pa. 4.57 million na estudyanteng hindi na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan.
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap, hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng Philhealth mula nang bigyan tayo ng mandato.
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng ating National Household Targeting System, buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. Dahil sa No Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa dengue, pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan.
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card. Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilalabas ni isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat sa sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa tanang buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health professional. Anuman ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi naaabot ng serbisyong pangkalusugan ng pama-halaan. Tinutugunan na po natin ito. Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga nurse at midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga doktor at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan makursunadahan, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: sa mga lugar na matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health professional sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission.
Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at midwife na dati ay walang mapaglaanan ng kanilang kaalaman, nagiging abot-kamay din ang de-kalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad natin: kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at check-up ang kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap nating iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong nakaraang taon. Maaga pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero nakaka-engganyo po ang mga paunang resulta nito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong 2011: bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging apat na lang noong 2011.
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang, marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary Mario Montejo ng DOST, para naman ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan. Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa silid-aralan. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin nating matutugunan bago matapos ang 2012. Sa taon din pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible Parenthood ang sagot dito. (to be continued next issue) /MP