Sunday, January 11, 2009

EDITORIAL


To Sons and Daughters of Soldiers
"Nay, bakit wala si Tatay noong pasko?"

(Ed’s note: This is an open letter from Lt. Gen. Victor S. Ibrado. May the mothers of children whose fathers are with the military will read this open letter for the good understanding of their children why their fathers were not able to be with them at Christmas. Isang bukas na liham para sa anak ng sundalo upang maipaliwanag ang mga bagay-bagay kung bakit ang mga amang sundalo ay kadalasang wala sa pamilya sa mahahalagang okasyon)

Para sa mga mahal kong anak ng sundalo,

Marahil ay nagtataka ka kung bakit ako sumulat sa iyo. Marami akong gustong sabihin at ito ang tamang pagkakataon upang maiparating iyon sa iyo. Bilang pinuno ng isang malaking organisasyon, malaki ang responsibilidad na nakaatang sa aking balikat para sa ikatutupad ng misyon ng Philippine Army, kung saan ay ipagmamalaki kong sasabihin sa iyo, na kabilang ang tatay mo.

Alam ko na mahal na mahal mo ang tatay mo, idol mo siya, di ba? Balang araw, gusto mo ring maging katulad niya. Ang pagka-karoon ng isang ama na sundalo ay kakaiba. Hindi siya katulad ng ibang tatay na nakakauwi sa bahay araw-araw. Maraming mga pagkakataong wala siya sa iyong tabi. Bukod doon, may pagkakataong naka-assign o nakadestino pa siya sa malayo, na kailangang bumilang ng mga araw at buwan upang magkita kayong muli. Sa mga pagkakataong ito, mara-ming mga importanteng okasyon sa iyong buhay na hindi mo siya kapiling katulad ng iyong "birthday", "graduation" at pasko. Alam ko na sa mura mong isip, hindi iyon madaling maintindihan dahil naiiba nga ang trabaho ng isang sundalo.
Kaya sumulat ako sa iyo, kasi ngayong Pasko, baka hindi mo na naman siya makapiling. May mga sinumpaang tungkulin ang tatay mo na dapat niyang gampanan. Napakahalaga ng mga tungkulin niya sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng ating bansa at walang ibang taong makagagawa nito kundi ang mga sundalong tulad ng iyong ama. At alam mo ba kung hindi siya magsasakripisyo na gawin ito, may posibilidad na hindi magiging mapayapa, maayos at masaya ang Pasko mo at nang iba pang mga batang katulad mo. May mga tao kasing mas gustong manggulo sa ating bayan kaysa tumulong na mapaunlad ito. Iyon ang isa sa mga tungkulin ng tatay mo, ang bantayan ang seguridad ng ating kapaligiran at maging laging handa sa oras ng pangangailangan. Yan ang tatay mo, isang sundalo.

Sana’y maunawaan mo nang lubos ang aking ibig sabihin. Matalino ka at maayos na pinalaki ng iyong mga magulang…ng iyong tatay. Kahit pa sa pamamagitan lang ng tawag at text ay naipaabot niya ang kanyang pag-mamahal at pagkalinga sa iyo, sa Nanay mo at mga kapatid mo. Kaya nga mahal na mahal ka niya, kayo ng mga kapatid mo. Sa lahat ng kanyang sakripisyo para sa ating bayan, ang nasa isip niya, higit pa man, ginagawa niya ang mga ito, para sa iyo at mga kapatid mo. At ang pinaka mahalaga ay tungkulin niya ito.

May hihilingin sana ako sa iyo. Sana sa iyong araw-araw na panalangin, lagi mong hilingin na patnubayan ng Maykapal ang tatay mo at mga kasama niya, saan mang larangn sila mapunta. At doon naman sa mga kasama niyang hindi pinalad na muling makauwi mula sa kanilang pagtupad ng tungkulin, isama mo narin sa iyong dasal na sana ay maluwag na tanggapin na bayaning namatay ang mga kawal na ito ng mga naiwan nilang mahal sa buhay.

At sana sa pama-magitan ng liham ko, mas lubos mong maintindihan kung gaano ka kapalad na magkaroon ng tatay na sundalo – matapang sa gitna ng labanan ngunit lagging bukas ang puso para sa kapayapaan.

S’ya nga pala, ako si Tenyente Heneral Victor S. Ibrado. CG ang kadalasang tawag sa akin, lalo na ng tatay mo. Ito ang pinaikling salita para sa katagang Commanding General na ang ibig sabihin ay namu-munong pinunong heneral. Ako ang pinuno ng Philippine Army at ako ang tumatayong tatay ng lahat ng mga sundalo na nabibilang sa Philippine Army.

Maligayang Pasko at Mabuhay ang sundalong Pilipino! Mabuhay ang Tatay mo!

Nagmamahal,
Tenyente Heneral Victor S. Ibrado, Sandatahang Lakas ng Pilipinas. /MP

No comments: