Publishing in four parts the 3rd State of the Nation Address of President Benigno Simeon C. Aquino III for the best interest of the readers.
(3RD OF FOUR PARTS)
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating bayan— liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na maga-gantso. Patuloy po ang pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito: ang dating dalawanlibo’t dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba: 966 na lang po iyan pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi po natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon, nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus bombing sa Makati noong nakaraang taon, ang isa patay na; yung isa, humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga na inaresto ng PDEA nitong 2011.
Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas natin ang puwersa ng kapulisan. Di po ba, nang dumating tayo, apatnapu’t limang porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng masasamang-loob? May nanalo na po sa bidding, tinitiyak na lamang nating de-kalidad ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili.
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi nga po na ang ating Air Force, all air, at no force. Imbes na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa AFP Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na labinlimang taon. Bumu-buwelo pa lang po tayo sa lagay na iyan: kapag naipasa na ang panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso, maka-kapaglaan tayo ng pitumpu’t limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga kagamitan tulad ng mga kanyon, personnel carrier, at frigate. Hindi magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class cutter. Di na po bangkang papel ang ating ipapalaot; ngayon, mga hi-tech at de-kalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung maglinis-linis na ng mga hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa himpapawid: dalawa pang C-130 ang magiging operational ulit. Bago matapos ang taong ito, inaasahan nating mai-dedeliver na ang binili nating dalawampu’t isang refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga radyo at iba’t ibang communication equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic laboratories, kasama pa ang station bullet assembly. Pagdating naman po ng 2013, lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters, dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force protection equipment.
At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim ng AFP-PNP housing program.
Hindi po ito tungkol sa pakikipag-girian o paki-kipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa kakayahan nating ipag- tanggol ang ating sarili— isang bagay na kaytagal nating inisip na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap.
At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay pong maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa po ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng lagim. Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng katahimikan sa mga lugar na matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa.
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga mithiing di makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, may mga ghost student doon, na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor Mujiv Hataman: Apat na eskuwelahan na natagpuang may ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t limang ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya, para maiwasan ang pagsa-samantala. Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik na ang kaluluwa. Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: isa ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po: pabahay, tulay, at learning center para sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based hatchery, lambat, materyales para maglinang ng seaweeds, at punlang napakinabangan ng 2,588 na mangingisda. Certified seeds, punla ng gabi, casava, goma, at mga punong namumunga para sa 145,121 na magsasaka. Simula pa lang po iyan: nakalaan na ang 183 million pesos para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4 million pesos para sa mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa malinis na inuming tubig; 551.9 million pesos para sa mga kagamitang pangkalusugan; 691.9 million pesos para sa daycare centers; at 2.85 billion pesos para sa mga kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa ARMM. Lilinawin ko rin po: hindi pa kasama rito ang taunang suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7 billion pesos.
Miski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na ang epekto ng reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang nakaraang pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar at ng MILF. Sa peace process naman po: hayag at lantaran ang usapan; nagpapamalas ang magkabilang panig ng tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan, magiging masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating makamit ang nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang prinsipyong isinulong natin upang mabuo ang ating Executive Order ukol sa pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng nabuong consensus: mapakinabangan ang ating likas na yaman upang iangat ang buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang ito, kung ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan.
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo: Noong 2010, 145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina, subalit 13.4 billion lamang o siyam na porsyento ang napunta sa kaban ng bayan. Ang likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang mapupunta sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang makapagpasa ng batas na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak na makatarungan ang magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga biyayang makukuha natin mula sa industriyang ito.
Pag-usapan po natin ang situwasyon sa Disaster Risk Reduction and Management. Dati, ang gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi rin ng tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo, alam na kung saan idedestino ang ayuda, at may malinaw nang plano upang maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala ang nangyari sa Tarlac nang minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay ang dike. Nang nagising ang isang barangay captain, tinangay na ng baha ang kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po’t nakaligtas ang buong mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno; nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami sa tinamaan ng bagyong Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa paghagupit ng mga delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH, isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu’t anim na automated rain gauges at dalawampu’t walong water level monitoring sensors natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target natin: animnaraang automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t dalawang water level sensors. Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong pangunahing river basins sa buong bansa.
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y kanya-kanyang habulan ng numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang kultura sa gobyerno: bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan. Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga programa sa tree-planting. Pero matapos magtanim, paba-bayaan na lang ang mga ito. Kapag nakita ng mga komunidad na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang mga ito para gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong 128,558 hectares ng kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng kabuuang 1.5 million na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto. Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng National Convergence Initiative. Ang proseso: pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga komunidad. Kapalit ng conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon ding mga magpapalago ng bagong punla sa nursery. 335,078 na po ang mga Pilipinong nakakakuha ng kabuhayan dito. (TO BE CONTINUED NEXT ISSUE) /MP
No comments:
Post a Comment