Thursday, August 16, 2012

State of the Nation Address 2012


Publishing in four parts the 3rd State of the Nation Address  of President Benigno Simeon C. Aquino III for the best interest of the readers.

(LAST OF FOUR PARTS)

Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong sektor, na nagbibigay ng spesyal na binhi ng kape at cacao sa komunidad, at tinuturuan silang alagaan at siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang kape sa lilim ng mga puno, na habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng baha at tutulong makaiwas tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nag bigay ng binhi, sure buyer na rin ng ani. Panalo ang mga komunidad nay may dagdag kita, panalo ang pribadong sektor, panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa matatayog na puno.

Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po nang lumapag ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na milyong pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng LGU? 

Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga komunidad na naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo: ang dating pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting kinabukasan. Dati, imposible nga ito: Imposible kung nag bubulag-bulagan ang pamahalaan sa ilegal na gawain. 

Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga paulit-ulit isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo. Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng DENR, isang PNP provincial director, at pitong chief of police. Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng PNP na nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo. Magkubli man kayo sa lilim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama na rin namin ang mga padrino ninyo. Kaya bago pa magkasalubong ang ating landas, mas maganda sigurong tumino na kayo. 

Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno, tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan. 

Isipin po ninyo: may mga pensyonado tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na buwanang pensyon ng ating old-age and disability pensioners. Masaya tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.

Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na nga po sa pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay kayong napromote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.

Mahahabol din po natin iyan; sa ngayon, ang good news natin sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance Based Incentives. Dati, miski palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay magtrabaho; nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang naman ang insentibo ng mga tamad at pursigido.

Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa taon. Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo, maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa pag papakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na Christmas bonus na matatanggap mo. 
Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang ang ituturing na boss ng kanilang pamahalaan.

Simula pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa sinasabi nating, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot: Siyempre. 

Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang wild west ang pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang risko dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit ang kanan, kokotongan ka naman gamit ang kaliwa.

Ngayon: Dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang naeempleyo. 

Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa sistema. Dahil maayos ang pangongolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada, piso para sa bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating kinabukasan. 

Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali, itinatayo ang mga ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng produkto, serbisyo, at mamamayan.

Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod, at mas malakas ang pambansang ekonomiya.

Tunay nga po: Ang matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap ng daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang makapipigil sa ating sariling pag-angat.  

Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t pagsubok.

Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan natin ang sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan din ang ilang pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.

Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng mga bangka natin sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito, nagbungguan ang Nine Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong West Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa, kasama na ang Tsina, na pinagtitibay naman ng United Nations Convention on the Laws of the Sea.

Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang tanda ng ating malinis hangarin, ay agad nating pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin ang ating karapatan, gaya ng paggalang natin sa kanilang mga karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan. 

Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong bakuran at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan, papayag ba kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin talaga.
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.

Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang solusyon. Magtiwala po kayo: kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng pinuno ng ating bansa, pati na sa mga kaalyado natin gayundin sa mga nasa kabilang panig ng usaping ito upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat. 

Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati ako ngayon, may mga nagbubulungan sa isang silid at hinihimay ang aking mga sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila: Salita lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas. Sila rin po ang magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para makausad na tayo.

Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa magsasakang nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang pagyamanin ang kanyang lupa? 

Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na namatay nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya habang hinahabol ang armadong masasamang-loob?

Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng limampu’t pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila ng forgive and forget? Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo? Ang tugon ko: Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi. Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.

Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa laban sa dating pangulo. Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan ang nasaksihan natin noong ika-dalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na iyon, pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo ay may mataas na katungkulan. Noong araw na iyon, may isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, “Posible pala: iisang batas lang ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng Punong Mahistrado.” Posible palang maging patas ang timbangan; maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki ang inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang ating termino. Maraming sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan. 

Simple lang ang hangad natin: kung inosente ka, buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang salarin, anu man ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan.

Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin, pwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na ako, puwede bang ‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa bahay. Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag na ganid na kapitalista na komunista din patungong diktador dahil sa sigasig ng mga repormang ipinapatupad natin.

Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas. Maraming salamat sa pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeach-ment trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado at Kamara de Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na sapat.

Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pag subok, batikos at agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero di kayo natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan.

Paalala lang po: hindi natatapos ang laban sa isang tiwaling opisyal na natanggal sa puwesto, sa isang ma-anomalyang kontratang napigil ipatupad, o sa isang opisinang naituwid ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa Kongreso na ipasa ang panukala nating pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act, upang mas mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.

Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at iilawan pang sitio; ang bawat daan, tulay, paliparan, tren, at daungan; ang bawat kontratang walang bukol; ang kaligtasan at kapayapaan mula lungsod hanggang nayon; ang pagbalik ng piring sa sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat na napapasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong kinabukasan— ang lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang taon. 

Pagtabihin po natin ang dalawang taon na ito, at ang nakaraang siyam at kalahating taon na ating pinagdusahan. Di po ba’t sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang kapareho namin ng adhikain, malamang, kasama namin sa agendang ito. At kung kontra ka sa amin, kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila sa agenda ng pagbabago, masasabi ba ninyong sila’y nasa panig ninyo?
 
Paparating na naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga boss, ang tangi naming susundan. Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin sa tuwid na landas, o magmamaniobra ba tayo’t aatras, pabalik sa daan na baluktot at walang patutunguhan?” 

Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako sa bigat ng pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa bang ituwid ang ganito kabaluktot na sistema? 

Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng pagka-pinuno: Walang imposible. Walang imposible dahil kung nakikita ng taumbayan na sila ang tanging boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila, gagabayan ka nila, sila mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago. Hindi imposible na ang Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na magbibigay ng libreng bakuna para sa Rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing: “Ang Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may makakasalubong na dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noo, tinitingala ng buong mundo. Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa panahong ito.

Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan: Magpasalamat sa mga nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga pagsubok na dinaanan natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga taong nakibalikat, sa pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang pamamahala. 

Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming salamat. Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang pribado at mas tahimik na pamumuhay para sa paghahatid serbisyo-publiko, kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo, panganib, at pambabatikos.

Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko silang papangalanan: Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na dumidilig at nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong sukdulan ang pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat po. 

Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang natitira. Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang taon, ang hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat pagkakataon, iangat ang kapwa-Pilipino. 

Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible. 

Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong kayo ang boss at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa ninyong posible.

Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na piniling magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling magtrabaho sa gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saanmang panig ng mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo— ang gumawa ng pagbabago.

Sa tuwing haharap ako sa isang ina na nagsasabing, “Salamat at nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon ko: ikaw ang gumawa nito. 

Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing, “Salamat sa papel, sa lapis, sa pagkakataong makapag-aral,” ang tugon ko: ikaw ang gumawa nito. 

Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat at puwede ko na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko: ikaw ang gumawa nito. 

Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong nagsasabing, “Salamat, akala ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko hindi ko na aabuting buhay ang liwanag na ganito,” ang tugon ko: ikaw ang gumawa nito. 

Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka, guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon ko sa inyo: kayo ang gumawa nito.

Inuulit ko: posible na ang dating imposible. Humaharap po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat po. /MP

No comments: