by Johann C. Cawaling
Sa loob ng mga apat na daang taon, ang Pilipinas ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espanya. Sa kanilang pamamalakad, inabuso nila ang kanilang kapangyarihan at ginawa nila ang mga Pilipino na mga alipin. Namuhay ang mga Pilipino na puno ng pagmamalabis at kapighatian. Dahil dito, gumawa ng mga hakbang ang mga Pilipino upang maputol na ang kanilang di kanais-nais na gawain. Nag aklas ang mga Pilipino, maraming buhay ang nasawi at ari ariang nasira para makamtan ang kalayaan.
Upang lalong tumindi ang damdamin ng mga Pilipino sa pagmamahal sa bayan, ideniklara sa pamumuno ni Hen. Emilio Aguinaldo ang kasarinlan ng bansa noong ika-12 ng Hunyo, 1898 sa Cavite el Viejo (ngayo’y Kawit, Cavite). Sa unang pagkakataon, sa balkonahe ng bahay ni Hen. Aguinaldo, iniladlad at iniwagayway ang watawat ng Pilipinas na tinahi pa sa Hongkong ni Marcela Agoncillo sa tulong ng kanyang panganay na anak na si Lorenza at pamangking si Delfina Herboza sa loob ng limang araw. Habang iniwagayway ito sa napakaraming tao, sinabayan naman ng pagtugtog ng “Marcha Nacional Filipina” na nilikha ni Jose Palma at nilapatan ng musika ni Julian Felipe na pinangunahan ng banda ng San Francisco de Malabon.
Ang deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas ay hindi agad kinilala ng Estados Unidos at Espanya dahil sa kasasalin pa lamang ng kapangyarihan sa pamamahala sa ating bansa ng Espanya sa Estados Unidos na kanilang pinagkasunduan sa Versailles (Treaty of Paris, France). Kinilala lamang ng Estados Unidos and Pilipinas bilang isang malayang bansa noong ika-4 ng Hulyo 1946.
Sa bisa ng isang batas, ang Republic Act 4166 na nilagdaan ni Pangulong Diosdado Macapagal noong 1964, ang Araw ng Kalayaan ay inilipat mula sa ika-4 ng Hulyo tungo sa ika 12 ng Hunyo bilang pagbigay ng parangal nito sa proklamasyon ng kalayaan sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo 1898.
Hanggang sa kasalukuyan, ika-12 ng Hunyo ang kinikilalang araw ng kalayaan ng Pilipinas. Iba’t-ibang pagdiriwang sa lahat ng panig ng bansa ang ginagawa upang gunitain ang mahalagang araw na ito ng kalayaan at upang maipamalas sa isip at damdamin sa isa’t isa ng ating mga kababayan lalo na sa mga kabataan ang makabuluhang ginawa ng mga Pilipino noon upang makamtan ang kalayaang tinatamasa natin ngayon. /MP
No comments:
Post a Comment