Thursday, September 30, 2010

Ang Ilog ni Nene


Mga Ginang at mga Ginoo:

Ako po ay isa sa mga mararaming tao sa probinsya ng Aklan na lubos na nanlulumo sa kasalukuyang kinasasapitan ng ating mga kailogan. Kung napapansin po ninyo, unti-unti na’ng bumababaw at dumudumi ang mga ilog natin. Bukod sa pinapaliguan, dati rati ay ang mga ito po ang pinagkukunan ng mga karamihan sa mga kababayan natin ng kanilang mga pang-inom, panluto, panlaba, at iba-iba pang pinanggagamitan. Malaki po ang kahalagahan ng mga ilog natin sa ating lalawigan.
Sa pamamagitan ng tula sa ibaba, ako po ay nagbabasakali na muling mapukaw ang mga kababayan natin sa kahalagahan ng ating unti-unting nawawalang mga ilog. Ang isang malinis at malusog na ilog ay nakakapagbigay ng buhay, samantalang ang isang marumi at natutuyong ilog ay walang ibang hatid kundi - salot.

Maraming-maraming salamat po.
Ang Ilog ni Nene

Noong si Nene ay may pagkabata pa,
ilog malalim at higit limang dipa;
isda ay sagana busog ang pamilya,
pag nauhaw.. sa tabi lang humukay ka.
Sa t’wing umaga si Nanay naglalaba,
maruming damit sa ilog dinadala;
at habang labang damit ay nakakula
si Nene’t si Nanay naliligo muna.
Ang ilog ni Nene’y lugar pahingahan
ng mga tao lalo na’t kabataan;
pag sa buhay sila ay nabibigatan,
ilog ang tungo bigat ay gumagaan.
Lumipas ang panahon ilog ay tuyo,
kumalat putol-putol na mga puno;
dati tabing ilog hitik ng kakahuyan,
ngayon nasa pangpang baboy at kulungan.
Nakakalbong kakahuyan dapat agapan,
kung hindi ang ilog ang s’yang matuyuan;
pagbagsak ng ulan baha di’y aapaw,
laking pinsala maraming mamamatay.
Hindi pa huling dilubyo ay maiwasan,
ang pangpang ng ilog ay muling taniman;
tabi linisin at lagyan ng kakahuyan,
at nang ilog ni Nene magandang tingnan.

1 comment:

Anonymous said...

HELLO
SANA TAYONG MGA FILIPINO AY MATUTUNG MAGMAHAL NANG KALIKASAN. HUMAHANGA AKO SA MGA TAONG GUMAGAWA NANG SARILING HAKBANG PARA MAPAGANDA ANG MGA KALIKASAN KATULAD NANG ILOG.SANA MAYROON DIN SA AKLAN NA GUMAWA NANG HAKBANG NA MAPAGANDA ANG ATING MGA ILOG, SAPA AT MGA KAKAHUYAN SA BUNDOK